PINAALALAHANAN ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga Manilenyo na magsagawa ng mga kaukulang pag-iingat laban sa FLiRT-COVID na kumakalat ngayon sa ibang bansa, matapos makapagtala ng 28 bagong kaso ng coronavirus disease (Covid 19) sa lungsod.
Sinabi ni Lacuna na dapat na muling pairalin ng mga residente ang mga basic health protocols laban sa Covid-19 upang matiyak ang kanilang kaligtasan laban sa bagong variant nito.
Ibinahagi rin ni Lacuna na ilang matatandaang kaanak ng ilan niyang kaibigan ang kasalukuyang naka-confine sa iba’t ibang pagamutan matapos na dapuan ng virus.
Ani Lacuna, nakasanayan na rin naman ng publiko ang basic health protocols laban sa virus kaya’t hindi na mahirap para sa kanila na muling gawin ang mga ito.
Kabilang sa mga naturang protocols na tinukoy ng alkalde ay ang pagsusuot ng face masks kung nasa matataong lugar, regular na paghuhugas at pag-sanitize ng kamay at pag-iwas sa pagkakaroon ng ‘close contact’ sa mga taong may flu-like symptoms.
Ayon pa sa alkalde, na isa ring doktor, ang bisa ng bakunang itinurok sa mga mamamayan noong kasagsagan ng pandemya ay unti-unti nang nababawasan ng bisa at hindi rin aniya ito akma para sa bagong Covid-19 variant.
“Wala pa pong bagong bakuna na ibinibigay laban dito kaya mag-ingat tayong lahat, especially for those who belong to the high-risk groups like the very young and seniors, the immuno-compromised, the PWDs, those who are pregnant and those already with symptoms,” ani Lacuna.
“Mag-ingat po kayo at tandaan n’yo, wala na tayong available na vaccine against Covid at kahit me available, hindi ito ang tamang vaccine panlaban sa bagong variant ng Covid” dagdag pa nito.
Ani Lacuna, unti-unti na namang tumataas ang bilang ng mga nagkakaron ng Covid sa ating lungsod at base sa datos, hanggang nitong Mayo 24, 2024 ay umaabot na sa 28 ang kabuuang bilang ng Covid-19 sa Maynila, matapos na makapagtala pa ng 10 bagong kaso nito. (JERRY S. TAN)