SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 26 bus ng Victory Liner na biyaheng Cubao-Baguio matapos ang malagim na aksidente noong Enero 3 kung saan tatlo ang namatay.
Sa dalawang pahinang kautusan ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, inatasan din niya ang kumpanya na magsumite ng paliwanag hanggang Enero 24, 2023 kung bakit hindi dapat isuspinde, ikansela o bawiin ang Certificate of Public Convenience nito.
Tatlumpung araw na suspension ang iniutos ng LTFRB.
Matatandaang sumabog ang gulong ng isang bus ng Victory Liner dahilan para mawalan ng kontrol ito at bumangga sa isang puno sa Pugo, La Union habang papunta sa Cubao, Quezon City.
Namatay ang kundoktor at dalawang pasahero ng bus sa nangyaring aksidente.