DALAWANG hinihinalang fixer at 16 na iba pa ang inaresto ng pulisya matapos umanong kumubra ng ayuda sa Pasig City nitong Huwebes.
Nadakip ang 18 suspek alas 3:30 ng hapon habang nasa barangay Kalawaan covered court kung saan ipinamimigay ang ayuda sa mga pamilyang apektado ng dalawang linggong enhanced community quarantine sa Metro Manila.
Ayon sa report, inireklamo ng isang government employee ng Pamahalaang Lokal ng Pasig ang mga suspek dahil hindi umano mga residente ng nasabing barangay.
Ikinasa naman agad ang operasyon ng Pasig Police Substation 4 laban sa mga suspek.
Nakumpirma na tumanggap ng tig-P4,000 cash at food packs ang mga suspek.
Unang nadakip sina Ada Garde at Ana Lyn Balasabas na sinasabing nag-facilitate sa pamamahagi ng ayuda sa mga pekeng benepisyaryo; at kinalaunan ay ang 16 na iba pa. Nakuha sa mga ito ang P31,000 ayuda.