GANDANG bagong taon ang naghihintay sa isang bettor mula sa Metro Manila matapos matumbok ang Ultra Lotto jackpot prize na P314 milyon sa ginawang bola nitong Linggo.
Sa Mandaluyong tumaya ang naka-hit ng winning combination na 36-46-16-19-23-27, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Tumataginting na P314,591,292.80 ang jackpot prize.
Samantala, may 22 iba pang mananaya naman ang makakapag-uwi ng tigP120,000 matapos matumbok ang lima sa anim na winning numbers; habang 1,470 naman ang makakuha ng tig-P2,000 para sa apat na numero na kanilang nakuha.
May isang taon ang jackpot winner para i-claim ang kanyang panalo sa PCSO main office na nasa Mandaluyong lang din. Kailangan lang dalhin ang winning ticket at dalawang valid IDs.
Ang Ultra Lotto ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Linggo.