PINABULAANAN ng Philippine National Police ang naging pahayag ng “wanted” na founder ng Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo Quiboloy na may pagbabanta sa kanyang buhay.
Ayon sa spokesperson ng PNP na si Col. Jean Fajardo, wala anya silang nai-intercept na impormasyon na nagpapahiwatig na may banta sa buhay ni Quiboloy.
Matatandaan na nitong nakaraang araw sinabi ni Quiboloy na kaya siya nagtatago ay dahil may nais magpapatay sa kanya at laging pinalilibutan anya ang kanyang lugar ng mga tauhan ng Central Investigation Agency at Federal Bureau of Investigation ng Estados Unidos.
Ayon kay Fajardo kung meron umanong basehan si Quiboloy na may banta nga sa kanyang buhay ay handa silang magbigay ng seguridad sa pastor kung hihingin ito.
“But if Pastor Quiboloy has a basis for what he’s saying, we are ready to provide appropriate security upon his request. But this extends to everyone, whether government officials or ordinary citizens,” ayon kay Fajardo.
Samantala, nagpahayag din ang PNP na handa nitong tulungan ang Senado at Kamara sa paghahain ng subpoena laban sa teleevangelist na nahaharap sa pagdinig hinggil sa mga alegasyon ng trafficking at sexual abuse sa loob ng kanyang sekta.
“If [the House] and Senate will seek the assistance of the PNP in serving the subpoenas, then we are ready to assist them,” dagdag pa ni Fajardo.
Nauna nang nagpahayag si Senador Risa Hontiveros na handa na niyang i-cite in contempt si Quiboloy at ipaaresto sa sandaling dedmahin pa nito ang pagdinig ng Senado sa darating na Marso.