KINONDENA nang mag-amang dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte ang paglusob ng pulisya sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa Davao City para arestuhin ang founder nito na si Pastor Apollo Quiboloy.
Naglabas ng kani-kanilang pagkondena sa raid ang mag-ama sa Facebook.
Tinawag ng dating pangulo na “pagtapak sa karapatan” ang ginawang paglusob ng may 2,000 pulis sa compound.
“Our country has never been in a more tragic state as it is today. Rights have been trampled upon and our laws, derided,” ayon sa matandang Duterte.
Nakikisimpatya rin anya siya sa bawat miyembro nito na naging biktima ng political harassment, persecution, violence at abuse of authority.
Humingi naman ng paumanhin si VP Sara sa mga miyembro ng KOJC sa isinagawang “gross abuse of police power” nang lusubin ng daan-daang pulis ang compound nito para arestuhin si Pastor Quiboloy.
Nag-sorry rin siya sa pagkumbinsi sa mga ito na iboto si Pangulong Bongbong Marcos noong 2022 elections.
“Kaya nais ko ring humingi ng kapatawaran sa lahat ng miyembro, deboto at bumubuo ng Kingdom of Jesus Christ, sa paghikayat at pakiusap ko sa inyong iboto si Bongbong Marcos Jr. noong 2022. Nawa’y mapatawad ninyo ako,” ayon pa kay Duterte.