ISINIWALAT ng travel vlogger na si Francis Candia na muntik na siyang makuhanan ng kidney ng isang sindikato sa Colombia.
Sa vlog, ikinuwento ni Francis ang kanyang traumatic experience sa South American country nang bumisita siya roon kamakailan.
Aniya, may nakilala siyang lokal sa isang restaurant na aniya ay naglagay ng droga sa kanyang inumin.
Paglalahad ni Francis: “Hindi ko alam pero siguro may nilagay siya sa drink ko, after ‘nun na-blackout na ako, wala na ako maalala.
“Paggising ko na lang, nasa ospital na ako. May mga apparatus na ako sa dibdib, may mga swero na ako ng blood transfusion tapos sinubukan kong tumayo pero natutumba talaga ako sa sobrang hilo, tapos sabi ko, ‘Hindi kasi kailangan kong lumipad.
“Maraming nakalagay sa katawan ko na pang-ECG na para malaman ‘yung heart ko tapos kung hindi ako pumiglas ‘nun. “Kung hindi lang ako nakawala ‘nun, tiyak na kukunin na ‘yung kidney ko.
“Sumakay ako ng taxi, hindi na ako nagbayad kasi wala na ‘yung wallet ko, wala na ‘yung cellphone ko, wala na ‘yung relo ko. In short, wala na ‘yung valuables ko.
“Pagdating sa room ko, nabuksan na rin ‘yung locker ko, wala na rin ‘yung laptop ko, wala na rin akong gamit. As in ‘yung mga natitira nalang sakin ay ‘yung mga damit ko. “Nag-try akong kausapin ‘yung mga tao sa lobby kaso tatlong beses na akong nahimatay guys…binigyan nila ako ng laptop para ayusin ‘yung magiging flight ko kaso nahimatay ulit ako. Nag-try akong kausapin ‘yung mga pulis kahit hilong-hilo ako…Nahirapan akong kausapin sila kasi hindi ako marunong mag-Spanish, wala akong internet dahil ‘yung cellphone ko na may internet ay ninakaw.
“Sabi ng mga pulis, ‘Hindi na namin kayo matutulungan, wala na ‘yan for sure’…Sabi nila, bumalik nalang ako sa iniistayan ko tapos gumawa ka ng paraan para makauwi sa bansa ko.”
Naniniwala ang vlogger na kakuntsaba ng sindikato ang ospital at ang hotel kung saan siya nag-stay.
“Kasi imposible naman na kung naospital ako, papakawalan lang nila ako tapos hindi na sisingilin. Kaso hindi nila ako siningil,” ani Francis. “Possible na meron itong koneksyon sa iniistayan ko…hindi na nila ako pinagbayad, sila rin nagbayad ng taxi ‘nung umuwi ako, so possible na isang sindikato itong lahat,” dagdag niya.