Villanueva: Big no sa divorce bill, annulment pwede

NANINDIGAN si Senador Joel Villanueva kontra sa panukalang payagan ang dibosryo sa bansa matapos pumasa ito sa committee level.

Inaprubahan ng Senate committee on women, children, family relation, and gender equality nitong Martes ang consolidated measure para payagan ang absolute divorce sa bansa.

“Divorce is a big NO for me! YES to making annulment accessible to the poor 👍,” pahayag ni Villanueva.

Sinabi ni Villanueva na bagamat pumasa na sa komite ang Senate Bill No. 2443 na inihain nina Senador Risa Hontiveros, Raffy Tulfo, Robin Padilla, Pia Cayetano, at Imee Marcos, mahaba pa ang tatahakin nito.

“Ang pag-apruba ng Divorce bill o kahit anong panukalang batas sa committee level ay parte po ng legislative process. Lahat po ng miyembro ng Senado ay malayang nakakapagsagawa ng mga hearing na na-re-refer sa kani-kanilang komite. Ngunit gusto lamang po nating iklaro na hindi po majority ng lahat ng miyembro ng Senado ang 9 na lagda. Marami po sa ating kasamahan ang pumirma sa committee report para lamang po mapag-usapan na ito sa plenaryo.,” paglilinaw nito.

Sa sandaling maipasa ang panukala, magbibigay ito ng “protections to the parties to the marriage and its common children, amending for this purpose executive order no 209, or the family code of the Philippines.”

Ayon kay Villanueva na bagamat tutol siya sa diborsyo, mas makabubuti anyang paigtingin ang batas para sa annulment.

“Bagamat hindi pa rin po nagbabago ang personal nating pananaw sa pagtutol sa panukalang ito, alam rin nating mayroong mga pagsasama, lalo na po kung nauuwi sa karahasan, ay dapat na pong wakasan. Dito po papasok ang annulment at declaration of nullity of marriage. Mas nararapat pong padaliin natin ang prosesong kaakibat nito, at gawin itong mas accessible sa lahat, anuman ang estado sa buhay. “