Veteran journalist na si Bobby Burgos pumanaw sa edad na 79

SUMAKABILANG-buhay ang beteranong mamamahayag na si Roberto “Bobby” Burgos ngayong Linggo, Setyembre 10, sa kanilang tahanan sa Baguio City. Siya ay 79.

Si Burgos, ama ng Pinoy Publiko columnist na si Rowena Burgos, ay matagal na naging reporter sa Manila Standard bago ang kanyang retiro. Naging reporter din siya ng Pahayagang Malaya at We Forum, na parehong itinayo ng kanyang yumaong kapatid na si Jose G. Burgos Jr., The Manila Bulletin at DYHP-Philippine Heral Group.

Naging pangulo ng Philippine National Police (PNP) Press Corps si Burgos noong 1990s at naging opisyal din ng Defense Press Corps noong kasagsagan ng kudeta sa panahon ni dating Pangulong Cory Aquino. Naging bureau chief din siya ng Journal Group of Publications mula 1998 hanggang 2001 at lifetime member ng National Press Club.

Naulila ng beteranong mamamahayag ang kanyang retiradong misis na si UST Professor Zenaida Cruz-Burgos, at mga anak na pawang mga mamamahayag din na sina Rowena, na nagsulat para sa Malaya at Philippine Daily Inquirer bago nagsulat sa Pinoy Publiko; Raymond na naging reporter din ng PDI, Manila Times at Philippine News and Features (PNF); at Jonathan, na ngayon ay nakabase sa Singapore at nagsusulat sa Forbes Magazine.

Naulila rin ni Burgos ang kanyang mga manugang na sina Milette at Djamila; at mga apong sina Carlo Luigi, Robbie Michael, Marcia Alexis, Gabriel Robert, Leo Joubert, Raphael Raimond at Sabrina Mae.

Naulila rin niya ang iba pang mga anak na sina Joseph, Yayi, Barbara Angela, Rosette at Roan.

Ang kanyang mga labi ay ibuburol sa Baguio City.