NAGING malaki ang turnout ng unang araw ng filing ng certificates of candidacy (COC) nitong Lunes para sa gagawing halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan sa Oktubre.
“Napakarami po nating mga kababayan ang nagpa-file ng COC po hindi lang po dito sa kalakhang Maynila kung hindi po pati sa buong bansa po. Bagama’t hindi po namin ini-expect na ganito karami ang magpa-file sa day one, ay natutuwa po kami na ganito kabuhay ang ating demokrasya. Ganito kagusto ng ating mga kababayan na makilahok po sa BSKE,” pahayag ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco sa briefing sa Malacanang.
Marami anya ang masyadong naging excited sa pag-file ng kanilang COC kahit hanggang sa Sabado pa matatapos ang filing.
“Iyong mga ilang nakausap ko, sinabi nila excited na sila, gustung-gusto na nila, ayaw nilang magpahuli dahil ayaw nila magkaproblema iyong kanilang kandidatura,” ani Laudiangco.
May 672, 432 posisyon ang paglalabanan sa BSKE sa Oktubre 30.
- 42,027 para sa barangay chairperson
- 294,189 para naman sa bubuo ng Sangguniang Barangay
- 42,027 para sa Sangguniang Kabataan chairperson
- 294,189 para sa Sangguniang Kabataan members