TAMA lang ang desisyon nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon na layasan ang noontime show na prinodyus ng Tape Inc. sa GMA-7 noong isang taon.
Ayon sa ulat ng Babbler, nakapagtala ng P501 milyon kita ang TVJ Productions, na pag-aari ng tatlo, mula sa airtime, sponsorship, at digital revenues mula June 21 hanggang December 31, 2023.
Nakapag-post naman ng net profit na P43 milyon ang TVJ sa nasabing panahon kung kailan “E.A.T.” pa ang titulo ng show.
Inaasahan ng Babbler na mas lalaki ang kita ng mga ito ngayong taon dahil sa pagpasok ng mga bagong advertisers.
Inaasahan din na mag-stabilize ang gastusin ng kumpanya matapos ang ginawa nitong pagbili ng mga ilaw at technical equipment para sa remote broadcast ng programa noong isang taon.
Samantala, inihahanda na ng TV5 ang Meralco Theater para mas marami ang makapanood ng Eat Bulaga.
Matatandaan na sarili nang kumpanya ng TVJ ang pumasok sa 50-50 production collaboration sa TV5 nang magsimula ang show sa nasabing istasyon noong July 1, 2023.