NOT personal, yan ang sabi ni Senador Robinhood Padilla nang tanungin siya tungkol sa dahilan kung bakit hindi niya sinuportahan si Senador Joel Villanueva nang magbotohan para sa Senate majority leader nitong Monday.
Hmmm…hindi nga ba talaga personal?
Pero ayon sa mga Marites sa paligid-ligid ng Senado, may pinaghuhugutan daw ang neophyte senator.
Laking gulat na lang daw ng mga staff ni Villanueva at ilan ding mga senador kung bakit ganoon na lang ang naging hakbang ni Robinhood.
Eto ang exciting part: Ang chika ay dahil sa mga mesa, upuan, divider at ilan pang gamit na tinanggal ni Villanueva sa kanyang dating opisina na siya namang opis ngayon ni Robinhood.
Dagdag pa ng isang aling Marites na matagal na ring nagtatrabaho sa opisina ng isang super sikat na senador, nagalit umano si Robinhood at kinuwestyon kung bakit tinanggal ang mga gamit sa kanyang lilipatang office.
“Akala niya kanya na yung mga gamit na dinatnan niya sa magiging opisina niya, e kinuha po ng dating nag-oopisina doon (Villanueva’s office) kasi sila naman ang nagbayad nun. Ayaw daw gumastos nina Sen. Robin sa renovation,” chika ni aling Marites.
Pero giit ng tanggapan ni Robinhood, wala talaga siyang personal na isyu kay Villanueva.