Transwoman minartilyo ng selosong BF, patay

BASAG ang bungo ng isang transwoman na minartilyo umano ng kanyang live-in partner sa Davao City kamakailan.

Wala nang buhay ang biktimang si Kent Lubaton, 30, nang matagpuan sa inuupahang kuwarto sa Brgy. Bago Aplaya.

Nasakote sa follow-up operation ang suspek sa Malalag, Davao del Sur, kung saan siya nagtago nang ilang araw. Nahaharap siya sa kasong murder.

Ayon sa pulisya, huling nakitang buhay si Lubaton noong Sabado ng gabi habang nakikipag-inuman sa boyfriend.

Sinabi ng saksi na umalis ng bahay ang nagmamadaling suspek Linggo ng umaga.

Base sa pagsisiyasat ng mga imbestigador, bago ang pagpatay ay kinumpronta ng suspek ang live-in partner ukol sa pagiging malapit nito sa ibang lalaki.