DINAKIP ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang transwoman na tinakot umano ang isang 20-anyos na estudyante na ikakalat ang maseselan nitong video kapag hindi ito pumayag na makipagtalik sa kanya.
Nasakote ang suspek at na-rescue ang biktima sa loob ng isang apartelle sa Maria Clara st., Manila nitong Lunes ng hapon.
Ani NBI Organized and Transnational Crimes Division chief Atty. Jerome Bomediano, lubhang na-trauma ang biktima, na diagnose ng autism spectrum, dahil sa pangyayari.
Habang humagagulgol, sinabi ng biktima na ilang gabi na siyang hindi makatulog mula nang magbanta ang transgender na ia-upload nito ang nasabing mga video sa social media.
“Di ako makatulog. Para akong sinasakal ‘pag naisip ko ‘yung sinabi niya sa akin na masasaktan pati magulang ko ‘pag hindi ko susundin and mga sinabi niya,’’ sambit ng binata.
Humingi ng tulong ang biktima at kapatid sa NBI, na agad namang nagkasa ng entrapment operation laban sa transwoman. Nahaharap ang suspek sa mga reklamong pang-aabuso, extortion at voyeurism.