KAMAKAILAN lang ay inanunsyo na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na panahon na ng tagtuyot or tag-init.
Sa iba ito ang itinuturing nila na panahon ng summer, bagamat walang summer sa Pilipinas. Take note lang po, dalawang season lang meron ang Pinas dry and wet season o panahong ng tag-ulan at tagtuyot.
Anyway, at dahil nga sobrang init na ng panahon ngayon, talagang kailangan natin ng mga paraan para makaiwas tayo sa mga karamdaman na dulot ng init gaya na lang ng heat stroke. Kailangan gumawa rin tayo ng solusyon para makaramdam ng ginhawa kahit na nagpapawis na ang mga kili-kili natin.
Maaaring maiwasan ang heat stroke at iba pang sakit dala ng init, kaya narito ang ilang tips para na rin feeling fresh tayo kahit sobrang init:
1. Magsuot ng maluwag, magaan at cotton na mga damit. Ang pagsuot ng maluwag at magaan na damit ay nakakatulong para makapagpalamig o maging presko ang ating katawan. Umiwas sa mga seda na tela na sadyang mainit sa katawan.
2. Maglagay ng proteksyon kontra sunburn. Ang sunburn ay nakakaapekto sa abilidad ng katawan na magpalamig kaya maglagay ng proteksyon kapag nasa labas tulad ng payong, malapad na sumbrero at sunglasses. Gumamit din ng sunscreen na may sun protection factor (SPF) na 15 o higit pa. Magpahid ding mabuti ng sunscreen at ulitin ito kada dalawang oras o higit pa lalo na kung kayo ay magsi-swimming, o nasa ilalim ng araw o pinagpapawisan.
3. Water, water, water. Siguraduhing makakainom ng maraming tubig para iwas dehydration. Ang pagkakaroon ng tubig sa katawan ay nakakatulong para magpawis at mapanatili ang normal na temperatura nito kaya siguruhing nakakainom ng maraming tubig. Para makaiwas sa dehydration, inirerekomendang uminom ng walong baso ng tubig, fruit juice at vegetable juice kada araw. Puwede ring uminom ng electrolye-rich sports drink o beverage kapalit ng tubig lalo na kung sumasalang sa isang sports activity.
4. Umiwas sa pag-inom ng alkohol, kape, softdrinks at tsaa kapag mainit ang panahon dahil nagiging sanhi ito ng dehydration.
5. Maging maingat sa pag-inom ng ilang gamot. Bantayan ang anumang problema sa init kung iinom ng gamot (tulad ng diuretics at antihistamines) na makakaapekto sa kakayahan ng iyong katawan na mapanatili ng tubig at magpawi ng init.
6. Maghinay-hinay sa mga aktibidad lalo na sa pinakamainit na parte ng araw. Kung hindi maiiwasan ang matinding aktibidad sa mainit na panahon, uminom ng maraming tubig at magpahinga sa malamig na lugar. Subukan din na iiskedyul ang pag-ehersisyo o anumang pisikal na pagtatrabaho sa malamig na oras gaya ng maagang-maaga o sa gabi.
7. Sanayin ang sarili sa pagbabago ng klima o panahon. Limitahan ang oras na inilalagi sa pagtatrabaho o pag-eehersisyo sa init hanggang makondisyon dito. Ang mga tao na hindi sanay sa mainit na panahon ay mas madaling magkasakit kaya mabuting masanay ang iyong katawan sa mainit na panahon.
8. Maging maingat lalo na kung mataas ang panganib sa heat stroke. Kung umiinom ng gamot o may kondisyon na mataas ang panganib mula sa init, iwasan mainitan at agad aksyunan ang anumang sintomas kapag nakakaramdam ng sobrang init. Kung kalahok sa isang palaro o akitibidad sa mainit na panahon, siguraduhin na may serbisyong medikal na nakahanda kung may kaso ng heat emergency.
9. Huwag iwanan ang sinuman sa loob ng nakaparadang sasakyan. Ito kasi ang isa sa mga sanhi ng kamatayan mula sa init lalo na sa mga bata. Kaya hindi ligtas na iwan ang isang tao sa nakaparkeng sasakyan sa maalinsangan o mainit na panahon kahit bukas ang bintana o hindi naaarawan.
Kahit mainit, pwede pa rin i-enjoy ang mga araw. Basta ingat lang palagi!