IDINEKLARANG terorista ang nagtatago at suspendidong kongresista ng Negros Oriental na si Arnolfo Teves Jr. dahil sa diumano’y pagiging utak sa pamamaslang kay Gobernador Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso.
Tinukoy rin ng Anti-Terrorism Council (ATC) na si Teves ang lider ng “Teves Terrorist Group” na kinabibilangan din ng kanyang nakababatang kapatid at dating gobernador na si Pryde Henry Teves, bagman na si Marvin Miranda, base sa inilabas na resolusyon nitong Hulyo 26.
Kabilang din sa tinukoy na terorista ng ATC ang dating bodyguard ng suspendidong kongresista na si Nigel Electona, Tomasino Aledro, Rogelio Antipolo, Hannah Mae Oray, Rommel Pattaguan, Winrich Isturis, John Louie Gonyon, Dahniel Lora, Eulogio Gonyon Jr., at Jomarie Catubay.
Ayon sa council, si Teves ang lider ng grupo habang ang kapatid naman nito at si Electona ang siyang nagbibigay ng “material support”.
“Investigation also reveals that Hannah Mae Sumero Oray handles the operational funds for the killings while Marvin H. Miranda acts as organizer and recruiter of personnel for specific terrorist attacks,” ayon pa sa ATC.