Tatakbo sa halalan dapat gumamit ng bagong larawan sa campaign materials – Comelec

UPANG maiwasan ang kalituhan, mga bagong larawan ang kailangang gamitin sa campaign materials ng mga tatakbo sa susunod na eleksyon.

Ayon kay Commission on Elections Chairman George Garcia, kailangang magpasa ng limang bagong larawan sa ahensya ang tatakbo sa May 2025 midterm elections para maiwasan ang “misrepresentation.”

“The candidate can submit up to five different pictures. All the campaign materials should revolve around the five,” ani Garcia.

Ikokonsidera na illegal campaign materials, dagdag ng opisyal, ang mga larawan na iba sa isinumite sa Comelec.

Iginiit ni Garcia na dapat ay kinunan ang mga nasabing larawan anim na buwan bago maghain ng certificate of candidacy (COC).

“The pictures should not be from years prior to the filing of the COC because (the old pictures) will no longer reflect the truth. (This requirement) should prevent misinformation or misrepresentation,” paliwanag niya.

Sakaling aprubahan ng commission en banc ang panukala, isasama ito sa implementing rules ng Fair Election Act.

Sinabi pa ng Comelec chair na kailangang ayusin ang pangangampanya upang hindi naloloko ang mga botante.