PINAG-IISIPAN na ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez na isulong ang supplemental budget para punuan ang P9 bilyon deficit ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) matapos tapyasin ni Senador Imee Marcos at ilipat ang budget sa ibang programa.
“A supplemental budget can address the 4Ps crisis created by Sen. Marcos’ realignment of P13 billion from the program to other social amelioration endeavors of the government that left 843,00 families or 4 million poor Filipinos without financial support,” ayon kay Suarez sa isang kalatas nitong Linggo.
Ito anya ang nakikita niyang paraan para hindi tuluyan mawalan ng ayuda ang mga Pinoy na umaasa sa nasabing programa.
“Hindi kaya ng sikmura natin na tiisin ang apat na milyong Pilipino na hindi nakakatanggap ng kanilang pondo sa 4Ps na mandato ng isang batas. Hindi dapat lalong lumala ang level ng kanilang paghihirap dahil may mga buwan o taong hindi nila natatanggap ang tulong na dapat sana ay para sa kanila,” dagdag ni Suarez.
Noong isang linggo, kinumpirma ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang ginawang realignment ni Marcos sa P13 bilyong budget na dapat ay sa 4Ps. Inilapat ang nasabing budget sa CALAHISIDS, AICS, quick response to calamities.
Ayon kay Suarez nang ipasa ng Kamara ang 2023 national budget noong isang taon, buo at intact ang nasabing budget para sa 4Ps.
“Now I don’t know what happened in the Senate, why all of a sudden P13 billion was slashed … Ayun ang malungkot. Ngayon hindi ko alam kung paano natin ilalarawan ang isang sitwasyon na ninakawan natin ang isang mahirap. Kasi kalimitan, ang mga mayaman ang ninanakawan,” dagdag pa ni Suarez.