Suplay ng bigas posibleng kulangin sa 2023 – farmers’ group

NAGBABALA ang isang grupo ng mga magsasaka na posibleng maranasan ang kakulangan ng bigas sa bansa sa harap ng pananalasa ng super typhoon Karding at sa mahal na presyo ng fertilizer at abono.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Federation of Free Farmers National Chairman Raul Montemayor na sapat pa ang bigas hanggang katapusan ng 2022.

“Yun ang pangamba natin, yung suplay next year, masyadong maliit ang maiiwan sa 2022 na ipapasa natin sa 2023, kailangang habulin natin ang production natin dahil kung aasa tayo sa import, mahal naman,” sabi ni Montemayor.

Idinagdag ni Montemayor na inaasahan ding tataas ang presyo ng imported na bigas dahil sa pagtaas ng halaga ng dolyar.

“Dahil sa devaluation ng peso, P3 to P4 na agad ang itataas ng imported rice pero yung epekto ng devaluation ay doon sa imported na bigas, meron naman tayo na domestic rice na posibleng mag-stabilize ang presyo kung mataas man ang imported meron namang local,” aniya.

Sinabi ni Montemayor na dapat agad na ibigay ang tulong sa mga magsasaka para makapagsimula agad ng pagtatanim at mahabol ang mga nasirang palay dahil kay ‘Karding.’