Stell gustong makaharap si Sisi Rondina

NAIS ni Stell Ajero ng SB19 na personal na humingi ng paumanhin sa volleyball player na si Sisi Rondina dahil sa inasal ng ilang fan ng Pinoy pop group.

Matatandaan na na-bash si Sisi makaraan nitong sabihin na hindi niya kilala ang SB19 nang ma-interview sa South Korea.

Sa launch ng kanyang single, inanunsyo ni Stell na gusto niyang makaharap si Sisi para personal na mag-sorry.

“Gusto ko sanang mag-apologize sa kanya nang personal sa nangyari. Mag-meet man lang at mag-sorry lang,” aniya.

“Nagsalita lang kami kasi feeling namin out of hand na siya, lumalaki na siya,” dagdag ng singer.

Giit ni Stell, hindi siya naapektuhan sa sinabi ni Sisi.

“Hindi ako na-offend. Kung ako ‘yun sasabihin ko pa nga, ipapakilala ko pa nga ‘ay sila po ‘yung SB 19’. Sana ganun na lang, pero hindi ko rin po siya masisisi kasi baka ‘yun po ang burst ng emosyon niya (fan),” paliwanag niya.

Gayunman, sinabi ni Stell na hindi niya tino-tolerate ang mga fans ng grupo na namba-bash ng ibang artists at personalities.

“Ayaw po namin talaga, especially po sa fandom po namin, ayaw po namin na may ginagawa silang mga bagay na at the end of the day, sila lang din yung maapektuhan. Kung sila ayaw nilang naaapektuhan kami, kami rin naman ayaw naming naapektuhan sila. Alam mo ‘yung sa family, ipagtatanggol niyo ang isa’t isa,” pahayag niya.