IIMBESTIGAHAN na ng Kamara ang Sonshine Media Network International (SMNI) na pag-aari ng religious leader na si Apollo Quiboloy dahil sa mga disinformation na diumano’y pinakakalat nito.
Pinabubusisi na ng liderato ng Kamara sa committee on legislative franchises ang nasabing istasyon dahil sa mga maling balita nito gaya na lamang diumano ng pag-aakusa kay Speaker Martin Romualdez na gumastos ito ng P1.8 bilyon sa kanyang mga travel kasama ang kanyang mga alipores.
Sa kanyang privilege speech ngayong Martes, sinabi ni Quezon Rep. (2nd District) David Suarez “fake news” ang mga ipinalalabas ng istasyon.
“Ito pong pinalabas ng SMNI, isa po itong “fake news”. Hindi po ito totoo,” sabi ni Suarez.
Samantala, mariin ding itinanggi ni House Secretary-General Reginald Velasco ang alegasyon laban kay Romualdez.
“This is a deliberate attack on the integrity of the House and a sad reflection to the lengths some individuals will go to undermine our democratic institutions,” Ayon kay Velasco.
Isa si dating Pangulong Duterte sa may programa sa SMNI, kung saan dito niya binabanatan ang Kamara at maging si Romualdez.