NAKATAKDANG tapusin ng Senate blue ribbon committee ang imbestigasyon sa anomalya sa pagbili ng mahal ng medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corporation, ayon kay Senador Richard Gordon.
Isang pagdinig na lamang ang natitira para sa nasabing imbestigayon, dagdag pa ni Gordon na siyang chairman ng blue ribbon committee.
Iginiit ni Gordon na kailangang makulong ang mga taong sangkot sa anomalya.
“Malamang isang hearing na lang ang natitira, isa-submit ko na ito… at kailangan makita natin ang katarungan. At makulong ang mga ito,” ayon kay Gordon.
Nagsimula ang pagdinig noong Agosto 18. Inirekomenda ng komite noong Oktubre na sampahan ng kasong kriminal ang mga opisyal ng Pharmally na sina Krizle Mago, Mohit Dargani, Twinkle Dargani at Lincolnn Ong.