NASAWI ang South East Asian (SEA) Games two-time gold medalist na si Mervin Guarte makaraang saksakin ngayong araw ng Martes sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Base sa ulat, natutulog si Guarte sa bahay ng kaibigan na si Kgd. Dante Abel sa Sitio Pinagkaisahan, Brgy. Camilmil nang saksakin ng hindi pa nakikilang salarin.
Naisugod pa sa pagamutan ang biktima pero hindi na naisalba ng mga doktor ang buhay nito.
Bago ang insidente ay nakipag-inuman si Guarte sa mga kaibigan sa lugar. Ayon sa ulat, natapos uminom ang biktima alas-3 ng umaga.
Narekober ng pulisya ang patalim na ginamit sa pagpatay.
Kaugnay nito, kinondena ni Gov. Bonz Dolor ang krimen.
“Hindi matitinag ang aming panawagan para sa katarungan, at patuloy naming hinahangad na mapanagot ang mga responsable sa krimeng ito,” ani Dolor.
“Maraming maraming salamat sa karangalan at pagmamahal mo sa Bayan. Saludo kami sa iyo,” dagdag niya.
Nakuha ni Guarte ang gintong medalya sa men’s team relay noong 2023 SEA Games at Men’s Beast 21 Km. sa 2024 Spartan Asia Pacific Championship.
Si Guarte ay miyembro ng Philippine Air Force na nakatalaga sa Fernando Airbase, Lipa City.