Sasakyan tinangay ng baha sa Palawan, 5 patay

LIMA katao ang nasawi matapos tangayin ang kanilang sasakayan bunsod ng malakas na pag-ulan at pagbaha sa Palawan, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Sakay ang limang biktima ng shuttle van na bumibiyahe mula Bataraza patungong Puerto Princesa nang tumirik ang sasakyan nila sa gitna ng baha at saka ito tinangay.

Sakay ng van ang 12 na pasahero, pito rito ang nakaligtas at ngayon ay ginagamot sa ospital.

Ayon sa report, 341 millimeters (mm) ng ulan ang naitala sa Palawan sa loob ng 24 na oras, dahilan para abutin ng matinding baha ang Puerto Princesa City at ilang lugar sa Southern Palawan.