PINAKALMA ng young actor na si Sandro Muhlach ang ilang netizens na nagtataka umano sa biglang pananahimik niya ukol sa isinampang kaso laban sa dalawang independent contractors ng GMA-7.
Sa Instagram, inihayag ng aktor na hinihintay rin niya ang resolusyon ng Department of Justice sa reklamong rape through sexual assault laban sa mga writers na sina Jojo Nones at Richard “Dode” Cruz na inihain niya noong August.
Idinagdag ng anak ni Niño Muhlach na hanggang ngayon ay wala pa ring desisyon ang Kapuso network sa imbestigasyon nito ukol sa insidente na naganap noong July. “Still waiting for the resolution of DOJ and GMA Legal,” aniya.
Itinanggi rin niya ang mga haka-haka na binayaran siya para “maayos” ang kaso.
“Hindi po ako binayaran and never po ako magpapabayad for settlement. Kahit po kami ng legal team ko naghihintay sa case. Wag niyo po pangunahan lahat. I will not be silenced. Just wait. We have more yet to reveal,” giit ni Sandro.