‘Sampaguita girl’ hindi na minor pero legit na estudyante

HINDI na isang menor de edad ang “sampaguita girl” na nakita sa viral video na sinasaktan ng security guard ng isang mall sa Mandaluyong City.

Gayunman, lehitimong estudyante naman ito sa kolehiyo, ayon sa Mandaluyong City Police.

“In fact, siya ay isang scholar ng isang private institution. Matalinong bata at nagsusumikap lamang na madagdagan ‘yung mga pangangailangan nila sa kanilang eskwela,” pahayag ni Mandaluyong City police chief Col. Mary Grace Madayag.

Itinanggi rin ni Madayag ang mga akusasyon sa social media na bahagi ang sinasabing “sampaguita girl” ng isang sindikato ng mga pulubi na nagkalat sa Metro Manila.

Anya ang babae sa viral video ay isang 18-anyos na Medical Technology student sa isang eskwelahan sa Maynila.

Gayunman, marami ang kumukuwestyon kung bakit kinakailangan magsuot ng pang-high school uniform ito kung college student na ito.

Esplika naman ni Madayag, ang sinasabing uniporme ay gamit ng estudyante noong high school pa siya at ginagamit na lang niya ito na pambahay.