WALANG nakikitang foul ang beauty brand owner at social media personality na si Rosmar Tan sa pagsasabit ng “money garland” sa graduation.
Sa Facebook post, sinabi ni Rosmar na hindi dapat agad husgahan ang mga magulang na nagsumikap para mapasaya ang mga anak na magtatapos.
“Come to think of it, Nag-effort ang magulang na sabitan ng money cape ang anak, bukod sa pagkakayod malala para maipon ang pera na ilalagay sa kapa, ilang oras din ginawa ung kapa at dinikit isa isa ang pera. Imagine ung effort ng magulang na gawin un tapos ending may masasabi pa rin na negative comment ang mga tao?” aniya.
Naniniwala si Rosmar na naiinggit lang ang mga bumbatikos sa mga nagsasabit ng money garland.
“Sana imbes na i-judge natin ung mga magulang na nag eeffort surpresahin mga anak nila e matuwa nalang tayo at ma inspire na mas galingan sa life para darating ung time na magagawa din natin un para sa mga anak natin. Sabi nga imbes na mainggit, mainspire,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Rosmar na nakatulong nang malaki sa buhay nilang mag-asawa ang P1 million money cape na isinabit sa kanila ng kanilang mga magulang nang ikasal sila ng kanyang mister.
“Syempre laking tulong ng pera na panimula nyong mag asawa sa buhay na tatahakin nyo after ng kasal,” sambit niya.
“Kaya nung sinabit na un samin di ko maipaliwanag ung saya at kaba kasi finally may panimula na kaming mag asawa kasi naubos lahat ng ipon namin at kinita sa endorsement para lang kasal na pangarap namin sabi ko nga sardinas na after kasal hahaha,” wika pa ng content creator-entrepreneur.