HINDI pabor si Sen. Robin Padilla sa planong imbestigasyon ng Senado sa “gentlemen’s agreement” sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at China.
Ani Padilla sa isang press conference, mas mabuti na mag-usap na lamang sina Duterte at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil may kaugnayan ang issue sa national security.
“Kasi, may kinalaman ito sa national security natin. Pinagmumulan ito ng mga usap-usapan na politically motivated at destroying our minds kasi brainwashing na, naging pulitika na,” paliwanag ng senador.
“At ‘yung mga bagay na palagay ko may kinalaman sa national security natin, ‘di na siguro kailangan pang idaan pa sa public hearing. Dapat siguro, pag-usapan na lang ng dalawang Pangulo natin ‘yan nang silang dalawa lang,” sabi pa niya.
Dagdag niya, mas mabuti na maglabas ng magkasamang pahayag sina Duterte at Marcos at ipakita ang pagkakaisa.
“Hindi lahat ng bagay naman kasi kailangan natin ipaalam pa sa taumbayan, lalo na itong national security ito. Siguro mag-usap muna ang dalawang presidente at gumawa sila ng statement nila pareho para unity naman ang makita natin,” sabi niya.
Matatandaan na umamin si Duterte na pumayag siya sa “status quo” sa West Philippine Sea pero wala umano siyang ikinumpromiso sa China sa kanyang buong panunungkulan.