UMAAPOY sa galit ang pamilya ng 65-anyos na family driver na napatay ng negosyante sa Edsa-Makati tunnel makaraang umapela sa publiko ang suspek na huwag itong husgahan dahil mabuti raw siyang tao.
“Demonyo na talaga utak niya, matapos niyang pinatay ang papa, sasabihin niyang maayos siyang tao,” ani Mark Mateo, ang anak ng biktimang si Aniceto.
Nasawi si Aniceto nang barilin ng suspek noong Martes, Mayo 28.
Nitong Biyernes ay pormal nang sinampahan ng kaso sa piskalya ang suspek na si Gerrard Yu, 33, ng Pasig City.
Ayon sa pulisya, may sapat na ebidensya na nagdidiin sa suspek na bumaril makaraan itong magpositibo sa gun powder residue at mag-match ang basyo ng bala at baril sa ballistic examination.
Ayon pamilya Mateo, walang areglong magaganap sa pagitan nila at ni Yu.
“Itutuloy ko kahit anong mangyari mabulok lang sa bilangguan ang tao na iyan para walang silbi ang ipinagmamalaki niyang pera,” ani Mark.
“Malapit na ang katarungan mo, malapit na nating maayos lahat magiging mas masaya ka sa pagpanaw mo pa,” mensahe naman niya sa ama.
Nakakulong pa rin sa custodial facility ng Makati City Police ang suspek habang nakatakdang ilibing ang mga labi ni Aniceto sa Tarlac sa Hunyo 9.