TINANGGALAN na ng lisensiya ng baril si Wilfredo Gonzales, ang road rage suspect sa viral video na nambatok at nanutok ng baril sa isang siklista, ayon sa PNP.
Bukod dito, pinagpapaliwanag din si Gonzales, na dating pulis na sinibak sa tungkulin noong 2018, ng Land Transportation Office (LTO) kung bakit ito nagdadala ng sasakyan na hindi naman nakarehistro sa kanya.
Sa isang kalatas na inilabas ng PNP-Civil Security Group (CSG), sinabi nito na nag-isyu ng order ang Firearms and Explosives Office (FEO) na nagre-revoke sa License to Own and Possess Firearms, Firearm Registration and Permit To Carry Firearms Outside Residence laban kay Gonzales na nakitang nanutok ng baril sa isang siklista na hindi armado noong Agosto 8 sa Welcome Rotunda.
Kinumpiska na rin ng pulisya ang mga baril ni Gonzales kabilang ang tatlong .45 caliber handgun at isang 9mm pistol.