NANANAWAGAN ang mga taga-Coron, Palawan na ideklarang persona non grata ang mga social media personalities na sina Rendon Labador at Rosmar Tan na dinuro at sinigawan ang tauhan ng munisipyo.
Sa kumakalat na video, mapapanood si Rendon na tinatalakan ang empleyado ng Office of the Vice Mayor. Makikita rin si Rosmar sa video.
“Pumunta kami dito para tumulong at i-promote ‘yung Coron kapal naman ng mukha mo tumutulong na kami. Sino ba pinagmamalaki nito? Bakit pinapayagan n’yo yung mga gantong staff ng munisipyo?” ani Rendon habang dinuduro ang babae.
Maririnig din sa video na paulit-ulit na sinasabi ng kampo nina Rendon at Rosmar na pinu-promote nila ang turismo ng nasabing lugar.
Nag-ugat ang galit ng grupo ni Rendon nang mag-post ang kawani ukol sa naganap na pa-event mg mga vloggers sa resort-town.
Aniya sa Facebook post: “Dear Rosemar at team Malakas, Ginamit nyo lang mga taga Coron para sa mga vlog vlog nyo at socmed……dismayado dahil naghintay sila ng isang oras at gutom…at lalong ginamit nyo mga staff para mag assist sa inyo tapos Wala kayong inabot kahit singkong duling! Kayo ba naman nagpa laro ng bring Me pustiso Hindi nyo nga hinawakan?
“Hwag nyo sabihing Malaki pa naubos nyo kakapamigay kumpara sa kikitain nyo? Sana namigay nalang kayo sa daan natuwa pa mga tao kesa sa ginawa nyo pinaasa nyo na ginawa nyo pang mga bata! Mga matatanda sana nalang inuna nyo…… Hinahamon ko na nga suntukan si Rendon nag hubad pa nged talaga…. 💪👊 Ekis kayo,” dagdag ng babae.
Dahil sa tinamong kahihiyan ng kawani ay nanawagan ang mga taga-Coron na ideklarang persona non grata sina Rendon at Rosmar.
Ilang konsehal ang nagpahayag na ihahain nila ang panukala sa susunod na sesyon habang kinukumbinse ang kawani na sampahan ng kaso ang dalawang vlogger.
Bukas ang Publiko sa panig nina Rendon at Rosmar.