“UNFAIR. Injustice.”
Ganito inilarawan ni Pastor Apollo Quiboloy ang pagsasara ng kanyang YouTube channel bunsod ng mass reporting dito ng mga netizens.
Kasabay nito, iginiit ni Quiboloy na “fake news” ang mga akusasyon ng sex trafficking laban sa kanya ng Federal Bureau of Investigation.
“Sinisikil n’yo kami. Ngayon, tinake-down n’yo ‘yung YouTube. Karapatan ninyo ‘yan pero nakikita ng taumbayan kung ano kayo ngayon. Masama kayo. Unfair kayo. Injustice ang ginagawa ninyo dahil may tumatayo para sa katotohanan at para sa tama,” ani Quiboloy sa isang panayam.
Dagdag niya, hindi siya natatakot sa FBI.
“Itong lahat ng mga akusasyong ginawa, fabricated lahat. Pinatong sa ulo ko pagkatapos ipinaangkin sa akin. Silang gumawa nun tapos ipaangkin sa iyo. Tapos, gagamitin nila ang mga batas nila,” sabi niya.
Matatandaan na nireklamo ng mga netizens ang YT channel ni Quiboloy dahil nananatili umano siyang wanted sa US kaugnay sa mga sex trafficking cases.
Bilang tugon, isinara ng online video sharing platform ang channel ng pastor dahil sa community guidelines violation.