TULOY-tuloy ang problemang naghihintay ngayon sa “Son of God” na si Apollo Quiboloy matapos itong sampahan ng kasong trafficking at child at sexual abuse sa Pasig City regional trial court at Davao City, ayon sa Department of Justice.
Nitong Martes, sinabi ni Assistant Justice Secretary Jose Dominic Clavano na inendorso na ng Davao City Prosecutor’s Office ang pagsasampa ng kasong qualified trafficking laban kay Quiboloy at limang kasamahan.
Isinampa ang kaso nitong Lunes sa Pasig regional trial court. Walang bail na inirekomenda sa nasabing kaso.
Ang limang iba pa na dawit sa kaso ay sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemanes.
Bukod dito, inirekomenda na rin ang pagsasampa ng kasong sexual abuse at child abuse laban kay Quiboloy na may rekomendadong bail na P260,000.