NAGBABALA ang House committee on legislative franchises kay Pasto Apollo Quiboloy na ipaaaresto ang huli sakaling hindi ito sumipot sa isasagawang pagdinig hinggil sa mga isyung may kinalaman sa prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Nitong Miyerkoles ay nag-isyu ang komite ng subpoena laban sa sinasabing may-ari ng SMNI at founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na nakabase sa Davao City.
Sakaling hindi sumipot sa pagdinig, posibleng ma-contempt ang pastor at ipaaresto, sabi ni Paranaque City Rep. Gustavo Tambunting, chair ng panel.
Sa pagdinig nitong Miyerkoles, inihain ni Committee vice chair at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang pagpapalabas ng subpoena laban kay Quiboloy matapos igiit ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na malaki pa rin ang impluwensiya ng pastro sa operasyon ng SMNI.
Iginiit naman ng abogado ng SMNI na si Mark Tolentino na hindi kabahagi si Quiboloy ng arawang operasyon ng network kahit ito ang honorary chairman nito.
Matatandaan na noong Disyembre, na-isyu ng 14-day preventive suspension ang MTRCB laban sa programa ni dating Pangulong Duterte na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” at “Laban Kasama ang Bayan” na pinangungunahan ni Lorraine Badoy at Jeffrey Celis.
Nag-ugat ito sa mga reklamo hinggil sa diumano’y mga fake news na ipinakakalat ng mga nasabing programa gamit ang network.