ATUBILI at hindi mapakali si Pastor Apollo Quiboloy, ang lider ng Davao-based church na Kingdom of Jesus Christ, dahil sa ginagawang surveillance ng mga otoridad sa kanya.
Sa isang video kung saan nakakubli ang kanyang mukha, sinabi ni Quiboloy na nangangamba siya para sa kanyang kaligtasan dahil napag-alaman niya na dudukutin siya ng Central Intelligence Agency at Federal Bureau of Investigation ng US.
“Dumating po sa aming kaalaman, na sa mga sandaling ito, from reliable sources, correct me if I am wrong, but these are reliable sources na dumating sa akin, na ayaw na raw po nila ng extradition treaty,” ani Quiboloy.
“Ang kanila daw pong gagawin ng CIA, ng FBI, ng US Embassy at State Department, kasabwat ng ating gobyerno ng Pangulong Marcos at ng First Lady at kung sino pa man ang nasa gobyerno, ako ay rendition ang kanilang gagawin,” dagdag niya.
“Ang rendition, ang ibig sabihin po, anumang oras puwede nilang pasukin ang aking compound at ako ay kidnapin,” paliwanag pa ng pastor.
Maliban sa pag-kidnap, maaari rin siyang mapatay sa rendition.
“Killing talaga, murder. Yun po ang dumating na balita sa akin ngayon from reliable sources,” sabi niya.
Kaya lubos ang pag-aalala lalo pa nakarating din sa kaalaman niya na mino-monitor ng nga otoridad ang kanyang mga ari-arian.
“Ang buhay ko ngayon ay nanganganib kahit mukha ko hindi ko puwedeng ipakita sa inyo sapagkat ako ay ibinigay na ninyo sa kamay ng mga Amerikano at gagawin nila ang gustong nilang gawin sa akin,” sabi ni Quiboloy.
“Ang aking 11 compounds araw-gabi sinusurveillance ng drone. Hindi po kami makatulog hindi kami mapakali,” pahayag pa niya.