KINOKONSIDERA na ng Malacanang ang pagbibigay ng P20,000 incentive bonus sa mga kwalipikadong government employees sa executive branch, ayon kay Pangulong Bongbong Marcos.
Matatandaan na noong 2022 ay naglaan din ang Malacanang ng service recognition sa mga kwalipikadong manggagawa sa sangay ng ehekutibo.
Sa isang ambush interview sa Taguig City, sinabi ni Marcos na posibleng magbigay muli ngayong taon bilang tulong na rin anya sa mga Pinoy ngayong marami ang naghihirap.
“Lahat ng mga Pilipino ngayon, naghihirap. So, kung ano ‘yung maitulong natin, gagawin natin,” sabi ni Marcos.
“So, we’ll see if we can — if it is actually viable, if it is financially feasible to give,” dagdag pa niya.
Kailangan pa anyang maghintay na matapos ang taon upang mabatid kung may pondo nga para rito.
Nitong mga naunang linggo ay nagpalabas ang Department of Budget and Management ng P69.4 bilyon para sa year-end bonus at cash gift ng mga manggagawa sa pamahalaan.