PAPAYAGAN nang makalabas ang mga tao kahit walang suot na face shield sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 hanggang 3.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Duterte ang naging rekomendasyon ng inter-agency task force.
Sa memorandum na inilabas nitong Lunes, sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na inaprubahan ni Duterte ang rekomendasyon ng IATF na gawin na lamang boluntaryo ang pagsusuot ng face shield sa mga lugar na may mababang alert level.
Sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 5 at granular lockdowns, mananatiling mandatory ang pagsusuot ng face shield.
Samantala, ang mga lugar na nasa Alert Level 4 ay hahayaan ang mga local government units at mga pribadong establisimyento kung ipatutupad o hindi ang pagsusuot ng face shield.
“The above protocols are without prejudice to the continuing mandatory use of face shields in medical and quarantine facility settings, and the required use thereof by healthcare workers in healthcare settings,” ayon sa memorandum.