Publiko hinikayat na huwag gumamit ng bidet, shower para tipid sa tubig

UMAPELA ang Malacañang sa publiko na iwasan ang madalas na pag-flush ng inidoro at paggamit ng bidet at shower upang makatipid sa tubig sa gitna ng patuloy na pagbaba ng water level sa mga dam.


Ani Assitant Sec. Joey Villarama, El Niño Task Force spokesman, walang direktang ban sa bidet at pag-flush pero hinikayat niya ang publiko na magtipid ng tubig hanggang makakaya.


“Kung minsan iihi tayo, hindi naman ganoon kasangsang ‘yung amoy, puwede pa namang may gumamit pa bago mag-flush…Huwag po na every time gumamit ng palikuran ay mag-flush po agad,” aniya.


“Kung kailangan na i-flush ‘yung inodoro ay mas mabuti po na gumamit na lamang ng balde. Babaan po natin ‘yung floater sa loob ng tangke para ‘yung water level hindi masyado maaksaya o malaki yung gastos ng tubig,” dagdag ng opisyal.


Pinaiiwas din ni Villarama ang mga Pinoy sa paggamit ng mga bidet at shower.


“Gumamit po tayo ng tabo sa ating pagligo. Natuklasan ko noong panahon na nag-aaral pa ako na kasya po ang isang baldeng tubig sa pagligo,” sabi niya.


“‘Yung mga bidet magastos ‘yun kasi walang habas na pag-spray, walang pinagkaiba po ‘yun sa paggamit ng garden hose,” paliwanag ni Villanueva.


“Ang pinakamainam po talaga ay gumamit ng tabo tuwing gagamit tayo ng palikuran para sukat at matipid ang paggamit natin ng tubig,” sabi pa niya.