SA susunod na mga araw ay kailangan nang ipabura ng mga pulis ang kanilang visible na tattoo habang mahigpit nang ipinagbabawal ang pagkakaroon nito sa mga police applicant.
Ito ang inanunsyo ni PNP-Public Information Office (PIO) chief Police Col. Jean Fajardo batay sa ilalim ng Memorandum Circular 2024-023 na inaprubahan noong Marso 19.
Base sa memo, kailangan ding magsumite ng affidavit ang pulis upang ideklara ang mga tattoo niya na hindi nakikita at mangako na hindi na ito madadagdagan pa.
Kabilang sa mga tattoo na pinabubura ay ang mga extremist, ethnically o religiously discriminatory, offensive, indecent, racist at sexist.
Hindi naman sakop ng kautusan ang mga aesthetic na uri gaya ng eyebrows, eyeliner at lip tattoo.
Ang sinumang pulis na susuway sa polisiya ay mahaharap sa kasong administratibo.
Bawal na ring pumasok ang mga police applicant na mayroong tattoo at bibigyan sila ng tatlong buwang palugit upang tanggalin ang mga ito.
Marami ang pumabor sa utos habang may ilan na nagsabi na unahin munang linisin ng kapulisan ang kanilang hanay.
“Good job PNP! Dapat lang talaga walang tattoo mas kagalang galang at mas malinis tingnan.”
“Tama lng po… dapat yung mga uniformed personnel sila ang dapat maging modelo sa kapwa.”
“Dapat malinis ang katawan ng isang pulis upang mapangnalagaan ang dignidad ng mga alagad ng batas.”
“Magandang gawin to para sa lahat ng mga trabaho para hindi na pamaresan ng iba. Para yung pagpapatattoo hindi na basta basta ginagawang hobby na lang.”
“Siguro bago pa yan mas unahin muna ang psych eval at physical fitness ng kapulisan.”
“Jusko naman. Uunahin pa yan. How about clean up your ranks instead? 2024 na, may stigma pa din sa inyo ang tattoos?”
“Ipabura muna ng PNP ang mga tiwali at scalawag.”