NAGBABALA ang Department of Agriculture (DA) na posibleng tumaas ang presyo ng itlog ng 10 hanggang 20 porsiyento ngayong papalapit na ang pagbubukas ng eskwela.
Ayon sa DA-Bantay Presyo, ang presyo ng medium sized na itlog na ngayon ay nasa P5.50 ay posibleng pumalo sa P9 kada piraso.
“Pagdating ng ‘ber’ months (September to December), normally nagti-trigger na ng panahon ng paglakas ng demand sa itlog at gaya ng nabanggit ko before, kapag ‘ber’ months at panahon ng pasukan,” ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa sa panayam nitong Miyerkules.
Ayon naman kay Philippine Egg Board Association president Francis Uyehara, nagsimula nang magtaasan ang presyo ng itlog sa ibang lugar.
“Nag-start na iyong pagtaas last month pa po, baka ito ay magdire-diretso until the holiday season towards December,” ayon kay Uyehara sa isinagawang poultry forum sa SMX Convention center sa Pasay City.
Sa kasalukuyan, ang farm gate price ng medium egg ay nasa P6.46 kada pirason, mas mataas sa presyo nito noong nakaraang buwan na P6.07 at P5.80 naman noong nakaraang taon.