SINABI ng isang ospisyal ng Department of Agriculture (DA) na tumaas na ng hanggang P20 kada kilo ang presyo ng mga gulay sa iba’t ibang pamilihan sa Metro Manila matapos ang pananalasa ng super typhoon Karding.
Sa isang panayam sa radyo, iginiit naman ni DA Undersecretary Kristine Evangelista na masyadong mataas ang P20 kumpara sa dapat na iginalaw ng presyo ng mga gulay.
“Nakita namin, mga P10 hanggang P20… sabi nga namin alam natin na gagalaw ang presyo, pero hindi ganong kalaki,” sabi ni Evangelista.
Idinagdag ni Evangelista na base sa bilihan ng mga gulay sa mga trading post, gumalaw lamang ang presyo mula P2 hanggang P5 kada kilo.
“Yung reference na lang nga natin ay sa trading post, yung cost of transportation dahil yung cost ng transportation, hindi naman tinamaan ang mga kalsada, so yung paggalaw sa palengke, makikipag-ugnayan tayo sa ating market masters, kasi we need the help of the LGUs para makontrol ang presyo,” dagdag ni Evangelista.
Nauna nang iniulat ng DA, na umabot na sa halos P3 bilyon ang pinsala ni ‘Karding’ sa agrikultura.