WALANG magaganap na paggalaw sa presyo ng de-lata at mga pangunahing pangangailangan kahit pa nagsitaasan na ang halaga ng karne, ayon sa Department of Trade and Industry.
Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na nire-review pa ng kagawaran kung may basehan ang price increase na inihihirit ng mga meat processors sa kanilang produkto.
Habang hindi pa natatapos ang pagrerepaso ay hindi pa pwedeng itaas ang presyo ng mga produkto na nasa suggested retail price bulletin ng DTI, dagdag ni Castelo.
Isiniwalat din niya na noon pang isang taon humihingi ng price increase ang mga manufacturer ng instant noodles, kape, gatas, sardinas at iba pang produkto.
Pero dahil sa nararanasang hirap ng mga Pilipino bunsod ng Covid-19, hindi umano magawang pataasin ng DTI ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan, paliwanag ng opisyal.