DUMARAMI ang mga persons deprived of liberty (PDLs) sa mga kulungan sa bansa na nagkakaroon ng sore eyes at pigsa dahil sa matinding init na nararamdaman sa bansa, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sa isang panayam, sinabi ni BJMP Jail Director Raul Rivera na mayroon nang 100 kaso ng sore eyes at pigsa sa Metro Manila habang isa sa probinsya.
“Meron na po kami reported na mga sore eyes, mga skin diseases, ani Rivera.
“Pero inaagapan na po natin para hindi po kumalat. Mahirap po kasi, baka ito ay magkahawakan o baka lumala pa,” dagdag ng opisyal.
Aniya, nagdagdag na ang BJMP ng ceiling at industrial fans at naglagay na rin ng ventilation shafts sa mga kulungan.
Inilalabas din ng kulungan ang mga ito pero hindi ibinibilad sa araw.
“Nandoon naman sila sa shade area para ho naman makalanghap rin sila ng sariwang hangin,” sambit ni Rivera.
Samantala, iniulat ng opisyal na hindi nawawalan ng suplay ng tubig ang mga PDLs.
Sabi niya nakipag-ugnayan na ang ahensya sa Bureau of Fire Protection (BJMP) at mga lokal na pamahalaan upang tugunan ang pangangailangan sa tubig ng mga PDLs.