NAGBABALA ang Philippine Egg Board Association na posibleng makaranas ang bansa ng kakulangan ng suplay ng itlog bunsod na rin ng bird flu outbreak sa mga lugar na pinagkukunan ng breeder.
“Posible, kasi wala naman tayong makuhang breeder, kasi laganap ang bird flu sa buong mundo,” ayon kay PEBA chairman Gregorio San Diego sa isang panayam sa radyo.
Idinagdag ni San Diego na kabilang sa pinagkukunan ng breeder ay ang Spain at Belgium na kapwa may outbreak ng bird flu.
Kasabay nito, kinontra ni San Diego ang naunang babala ng isa pang prodyuser ng itlog na posible umabot ang presyo sa P15 kada piraso.
“Nakasama lang yung sinsabi ng kasama namin na magiging P15 ang itlog, sinabi ko na noong na-interview ako malabong mangyari yan,” dagdag pa ni San Diego.
Aniya, nagdulot lamang ng pagtaas ng presyo sa pamilihan ang naturang pahayag.
“Kahit kokonti ang itlog, bumaba pa sa mga farm market ang presyo ng mga itlog, dati ang medium nasa P6.20, ngayong P5.50 na lang bale 70 centavos ang ibinaba,” dagdag ni San Diego.
Aniya, sa kabila nito umaabot ng P8 hanggang P9 kada piraso ang itlog sa mga pamilihan.