NANGANGAMBA si Agriculture Assistant Secretary at deputy spokesman Rex Estoperez na posibleng maramdaman na ang kakulangan sa suplay ng baboy simula Abril.
Ito ay sa harap ng patuloy na pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa maraming bahagi ng bansa.
“That’s the projection pero kailangan i-verify natin kung tama ang projection. We will harmonize data kung ano ang final figure on that,” sabi ni Estoperez.
Base sa pagtaya ng National Livestock Program, aabot sa 46,104 metric tons (MT) ang magiging kakulangan ng baboy sa Hunyo 2023 kumpara sa 145,849 MT na pangangailangan ng bansa.
Ayon sa presentasyon ni National Livestock Program Director Ruth Miclat-Sonaco, posibleng umabot sa 11 araw ang kakulangan ng baboy sa Abril o kabuuang 56,180 MT ng baboy.