LALONG napalapit sa pagiging santo si Carlo Acutis, na ginamit ang husay sa computer noong nabubuhay pa para ikalat ang Catholic faith, makaraang kilalanin ni Pope Francis ang ikalawang milagro na iniuugnay sa Italian teenager.
Nitong Huwebes ay iniulat na magpapatawag ang Santo Papa ng pagtitipon ng mga obispo upang pag-usapan ang kanonisasyon ni Blessed Carlo Acutis at iba pang nakatakdang gawing santo gaya nina Blessed Giuseppe Allamano, Blessed Marie-Léonie Paradis, at Blessed Elena Guerra.
Pumanaw si Acutis noong 2006 dahil sa leukemia sa edad na 15. Siya ay binansagang “God’s influencer.”
Isinilang sa London, lumaki sa Milan, Italy si Acutis na inialay ang buhay para sa pagtulong sa mahihirap at sa pagpapakalat ng pananampalataya sa pamamagitan ng Internet.
Lumikha si Acutis ng website kung saan ibinahagi niya sa publiko ang mga Eucharistic miracles.
Noong 2020, na-beatify si Acutis at tinawag na “Blessed” makaraang kilalanin ang isang milagro na iniugnay sa kanya.
Nangyari naman ang ikalawang milagrong gawa ni Acutis noong July 2022 nang magdasal sa kanya ang isang ina na taga-Costa Rica para sa paggaling ng anak nitong babae na nahulog mula sa bisikleta.
Inoperahan sa ulo ang bata pero walang katiyakan na ibinigay ang mga doktor sa paggaling nito.
Nagdasal ang ginang sa puntod ni Acutis.
Noong araw ding iyon ay nakatanggap ng tawag mula sa ospital ang ginang dahil bumuti ang kalagayan ng anak.
Sa mga sumunod na araw ay nakapagsalita na ang bata at nawala ang pagdurugo sa utak hanggang sa tuluyan na itong gumaling.