HINDI papayagan ng Valenzuela na magkaroon ng operasyon ang Philippine offshore gaming operators (POGOs), ayon kay Mayor Wes Gatchalian.
Anya, tatlong ordinansa ang ipinasa ng konseho na nagbabawal sa mga pasugalan sa loob ng syudad, kabilang na rito ang POGO.
Dahil dito, iniutos na rin anya niya ang suspensyon ng mga bagong aplikasyon para makapag-operate ng Small Town Lottery (STL), online cockfighting, online bingo, at online poker, at iba pa.
Ang pagpasa sa nasabing mga ordinansa ay para na rin mapigilan ang anumang “social impacts” na maidudulot ng mga sugal, gaya ng human trafficking, money laundering, prostitusyon at kidnapping.
Inihalimbawa ng alkalde ay ang nangyaring gulo noong Mayo 2021 sa isang tupadahan sa barangay Lingunan kung saan isang menor ang nabaril ng pulisya.
“That’s why I’m making this preemptive move before they reach Valenzuela,’’ pahayag ni Gatchalian.
Sa mga lalabag sa nasabing batas, multa na P100,000 hanggang P500,000 ang nakaabang sa mga ito.