HINDI katanggap-tanggap ang sinasabing P200 ayuda kada buwan na ibibigay ng pamahalaan sa mga mahihirap na pamilya na apektado ng kinakaharap na krisis sa langis, ayon kay Senador Grace Poe.
Kung susumahin, papatak na P6.66 kada araw ang sinasabing ilalaan ng gobyerno, na ayon pa kay Poe, ay hindi man lamang sasapat para sa isang sakay sa dyip.
“Karapat-dapat tumanggap ang taumbayan ng higit pa rito sa gitna ng hagupit ng paglaki ng mga bayarin, kawalan ng trabaho at patuloy na epekto ng pandemya,” ayon kay Poe sa isang kalatas.
Dagdag pa ni Poe, hindi dapat tipirin ng gobyerno ang pagbibigay ng tulong sa ating mga mamamayan upang mapakain nila ang kanilang mga pamilya, makapamuhay ng marangal, makabalik sa hanapbuhay nang ligtas at mapanumbalik ang sigla ng ekonomiya.
Hirit pa ng senador na sana ay ikonsidera pa rin ng gobyerno ang pagsuspinde sa excise tax sa mga produktong petrolyo para mapapababa ang presyo nito.
“Maaari ding dagdagan ang P200 kada buwang ayudang hindi sapat para maitawid ang ating mga kababayan sa kanilang mga pangangailangan,” dagdag pa nito.