MULING binanatan ni Senador Grace Poe ang mga opisyal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ang panibagong insidente ng pagnanakaw sa nasabing airport na nakunan ng video ng isang foreigner at ngayon ay viral sa social media.
“Nung nakita ko yung video na yun, talagang nakakagalit at nakakahiya. Isa na namang problema ito sa reputasyon ng NAIA, ng ating airports,” pahayag ni Poe na chairperson ng Senate committee on public services.
Kalat ngayon sa social media ang video kung saan nawalan ng ¥20,000 ang isang Thai matapos sumailalim sa X-ray machine ang kanyang bagahe sa Terminal 2 ng NAIA.
Nang mag-reklamo ang Thai tungkol sa nawawala niyang pera, isang airport officer umano ang nagsabi sa kanya na walang CCTV camera para patunayan na may nakawang nangyari.
Pero nakunan ng isa pang Thai passenger ang nangyari at tinulungan ang kababayan na komprontahin ang mga opisyal ng airport hinggil sa nakawan, dahilan para isoli ng security screening officer (SSO) ang nasabing pera.
Sinabi ni Poe na tinanggal sa kanilang duty ang mga airport officials na sangkot sa insidente at ngayon ay suspended sa kanilang mga trabaho.
Tinukoy rin ni Poe na isa ring staff ng kanyang opisina ang nawala ng Apple gadget habang sumasailalim sa baggage inspection.
“Parang magician di ba? Parang ang bilis na nangyayari…may kamay ba na sumusulpot doon sa ilalim ng (x-ray machine).”
“So ngayon kapag dumaraan ang gamit mo doon talagang tututukan mo na kasi baka may mawala,” dagdag pa ng senador.