DAPAT umanong tiyakin ng Land Transportation Office (LTO) na maresolba agad ang problema sa kakulangan ng driver’s license cards bago pa ito tuluyang maging suliranin ng seguridad.
Ito ang sinabi kahapon ni Senador Grace Poe, chairperson ng Senate committee on public services, kaugnay sa naunang pahayag ng LTO na psoibleng mag-isyu na lang muna ito ng paper license kapalit ng plastic na lisensiya dahil sa kakulangan ng plastic card.
“The shortage in driver’s license plastic cards should be nipped in the bud before it could create another gargantuan backlog for the LTO,” pahayag ni Poe.
Malaking problema anya ang idudulot nang pag-iisyu ng paper license sa mga kukuha ng lisensiya o magpapa-renew ng kanilang license.
“Issuing a license printed on paper is prone to wear and tear, tampering, and could compromise the security of the holder,” dagdag ni Poe.
Isa ang driver’s license sa pangunahing ID na ginagamit sa iba’t ibang uri ng transaksyon.
“Binayaran yan (cards) ng ating mga kababayan. Ibigay natin sa kanila yung tama at respetadong driver’s license, hindi yung nasa papel lang,” giit pa ni Poe.
Una na ring nagpahayag ang LTO na i-eextend nito ang mga mag-eexpire na lisensiya hanggang Oktubre ngayong taon.